UNA kong nasilayan si Joey Ayala nuong dekada sitenta (1971 o 1972) sa dati naming office sa Lope K. Santos st. sa San Juan. Umuupa kami sa isang bungalow (nasa silong ang ibang opisina) na mayroong malawak-lawak na bakanteng lupain na katabi lamang ng aming payak na kabahayan. Naglagay nga kami ng simpleng hagdan sa bakod na nagdugtong sa dalawang bahay. Shortcut baga. Para-paraan lamang.
Madalas
niyang binibisita noon si Kuya Gilbert upang magsumite ng kanyang mga
kontribusyon sa JINGLE. Taga-Cubao kasi siya at malapit lang iyon sa
amin...isang sakay lamang ng dyip. Mga cartoon at pasundut-sundot na mga
artikulo ang ambag niya sa "sining" noon.
Hindi
mawala-wala sa aking isipan ang suot niyang kupas na maong na dyaket (yun bang
mayroong dalawang bulsa sa dibdib) at syempre pa, ang regular na gulpe-saradong
maong na pantalon. Wala akong kaalam-alam (nang lumipas ang maraming taon) na
kompositor pala siya, umaawit rin at mahusay kumalabit ng gitara.
Hindi
ko lang alam kung kailan eksakto siyang nagsimulang sumulat ng kanyang mga obra
maestra. Malamang noong mga panahon ding iyon dahil pulos mga banyagang
manganganta na nagsusulat ng sariling awitin at tumutugtog ng gitara ang ating
iniidolo.
Hindi
ko na babanggitin kung anu-ano ang mga ginawa niyang cartoons para sa amin sa
kadahilanang ayaw raw niyang inuungkat pa ito, sabi ni Tony Maghirang (isang
masipag na manunulat na nagsimula rin sa amin), nang minsang magkita kami sa
Oarhouse sa Malate at mapagkwentuhan si Joey.
Matatandaang
huli na nang magpasya si Joey na pasukin ang industriya ng musika sa edad na
35. Kailangan kasing buo ang loob mo at di matatawarang commitment ang handa
mong ipagkaloob bago ka magdesisyon sa anumang landas -- musika, call center,
opisina, mall employee, factory worker o pagiging OFW -- na nais mong tahakin.
Hegalong,
kubing, kulintang -- mga katutubong instrumentong gamit pa ng ating mga ninuno
sa katimugan -- ang ilan sa ipinakilala sa balana at pinasikat ang paggamit sa
paglikha ng mga awitin.
Sumugal
ang WEA sa Kanya
1982
niyang inumpisahang isaplaka ang mga una niyang komposisyon. Sa tulong ni Butch
Dans (katuwang din ng Apo Hiking Society)...inilabas ng WEA (Warner, Elektra,
Atlantic) makalipas ang isang dekada (nubenta na) -- na noo'y pinamumunuan pa
nina Bella Tan(+) at Ramon Chuaying (PolyEast big boss ngayon) -- ang mga nauna
niyang tatlong albums nang sabay-sabay. Hindi pa ito nagagawa sa kasaysayan ng
industriya ng recording dito sa atin mula noon hanggang sa kasalukuyan.
Panganay
ng Umaga,
Magkabilaan, Mga Awit ng Tanod-Lupa -- mga obrang hanggang ngayon
ay pinakikinggan pa rin ng nakararami. Nakatutuwa ring ginagamit sa mga
paaralan ang mga awitin ni Joey Ayala na punumpuno ng pambansang pagpapahalaga
at mga positibong mensahe tulad ng pasasalamat sa mga biyaya ng Dakilang
Lumikha at pangangalaga sa kalikasan.
Ang Bagong Lumad (New Native) sa
Abelardo Hall
Mga miyembro: Bayang Barrios (mang-aawit),
Oni Badiang (baho), Noe Tio(+) (samutsaring pangkalansing at tambol).
Isang araw, noong mga huling taon ng
dekada otsenta, nagkayayaan kami nina Emil Sanglay(+) ng grupong Pen-pen
(nagtrabaho rin siya sa amin bilang gitarista o tagasipra nang may ilang buwan)
at Lav Diaz (bago pa siya pumaimbulog sa larangan ng pelikula at makilala sa
buong mundo bilang direktor). Tutugtog daw sina Joey Ayala at ang Bagong Lumad
sa Abelardo Hall sa UP. Doon ko sila unang narinig tumugtog at nasilayan nang malapitan.
Halos mayanig ang Abelardo sa lakas ng
dagundong ng ingay na likha ng mga masugid nilang tagahanga. Kapag ganyan
kalakas at kainit ang pagtanggap sa iyo, mas lalo ka pang gaganahang
tumugtog...alam ng mga musiko yan.
"Hinog na hinog na sila," sambit
ni Emil.
Nang matapos ang pagtatanghal,
pinuntahan namin si Joey sa likuran. Ipinakilala kami ni Lav (mukhang
magkakilala na sila nang matagal) sa kanya. Pareho kasi silang taga-Mindanao:
tubong-Davao si Joey at taga-Cotabato naman si Lav.
"Ikaw ba yung batang nakikita ko
noon sa JINGLE?" tanong ni Joey. Bantulot na tango lamang ang
isinagot ko. Hindi naman kami nagkakalayo ng edad ni Joey. Katunayan nga ay
isang araw (May 31 ako at June 1 siya) lamang ang pagitan ng mga birthday
namin. Pareho kaming ipinanganak nuong 1956. Baka ang tinutukoy niya ay si
Michael, iyong pamangkin namin.
Joey Ayala sa Club Dredd
Nakailang punta rin ako sa Club Dredd
sa Timog noon. Papausbong na nga ang pangalawang arangkada ng Pinoy Rock noong
90's, at isa sa malaki ang naiambag dito ang Dredd...kasama ang 70's Bistro (sa
Anonas) at Mayric's (tapat ng UST). Sa tatlo, ang Bistro na lamang ang
kasalukuyang humihinga pa.
At nagkita-kita rin kami ng mga
kaibigang sina Jing Garcia, Dodong Viray(+), DengCoy Miel, atbp. Masaya at
parang piyesta ang mga kaganapan sa Dredd...lalo na pag nagsama-sama ang
matagal nang mga di nagkikita habang tumutungga ng malamig na San Miguel Beer.
Walang patumanggang kamustahan at inuman at rakenrol.
Isang gabing nakasalang si Joey sa Dredd,
hindi ko napigilan ang sarili ko na dumampot ng gitara sa tabi ng entablado at
nakitugtog sa kanila. Simple lang naman ang piyesang iisa ang akorde hanggang
matapos kaya nakasabay ako. Duon iyon sa madilim na sulok sa pangalawang
palapag, at kahit pa walang ampli ang gitarang nakatiwangwang lamang duon.
Mabuti at hinayaan niya ako at hindi nanaway.
Walang Hanggang Paalam
Di ba tayo ay narito
Upang maging malaya
At upang palayain ang iba
Ako'y walang hinihiling
Ika'y tila ganon din
Sadya'y palayain ang isa't isa.
Pag-ibig na wagas...harangan man ng
sibat, paglayuin man ang mga puso...di magmamaliw, damdamin sa ginigiliw.
Ito ay maihahalintulad sa isang himig
ng bayan (anthemic) na mahirap mabura sa isipan at sa tuwina'y hindi maalis sa
iyong gunita dahil tumitimo ito sa kaluluwa.
Agila (Haring Ibon)
Tiniklop na nila ang kanilang mga
pakpak
Hinubad na nila ang kanilang mga
plumahe
Sila'y nagsipagtago sa natitirang
gubat
Ang lahi ba nila'y tuluyan nang
mawawala?
Malinaw pa sa bukal ng tubig sa
kabundukan ng Davao, kung saan naninirahan ang mga natitirang haring ibon, ang
nakaaantig na tinuran ni Joey sa himig na ito.
Umuukilkil sa kaibuturan ng ating puso
ang swabe at madamdaming pagtugtog ng gitara...isang himig na nananawagan at
matagal na nating dapat pinakinggan. Huli na nga kaya ang lahat?
Karaniwang Tao
May lason na galing sa industriya
Ibinubuga ng mga pabrika
Ngunit di lamang higante
Ang nagkakalat ng dumi
May kinalaman din ang tulad natin.
Klaro noon pa man na pagmamahal sa
kalikasan ang ibig niyang iparating sa nakararami. Diretso -- walang
paliguy-ligoy. Walang pretensiyon. Isang pakikibaka sa malagim na realidad ng
lipunang ginagalawan...na tayong lahat ay may kinalaman sa pagkasira ng kalikasan.
Pasasalamat
Salamat sa araw, sa buwan at bituin
Sa hayop at halaman, sa ulan at hangin
Salamat sa kaibigan at sa kapwa tao ko
Salamat sa Inyo.
Dakilang Manlilikha...sambit niya sa
unang linya...isang bukas na liham kay Bathala (sa ating Ama) na kanyang
pinasasalamatan sa pagbibigay-buhay sa atin. Tayong mga pawang tuldok lamang sa
buong kalawakan. Tayong mga butil lamang ng buhanging tinatangay ng hangin sa
himpapawid.
Sa estilong tanging siya lamang ang
makapagbibigay-hustisya -- madamdaming liriko, di matatawarang pagtugtog ng
gitara, walang kamatayang himig, kabuuang sipa -- hinubog ang awiting ito...
Konsiyerto sa Music Museum
Kasama ng dalawa kong anak (nagkita
rin kami duon ni Romy Buen -- isa pang batang JINGLE), nasaksihan namin
ang Mandiriwa sa Music Museum noong Setyembre 2017. Tampok dito sina
Dong Abay, Gloc 9, Bayang Barrios, Bullet Dumas at Juan Miguel Severo.
Ng gabing iyon, nagtanghal si Joey
kasama ang Bagong Lumad na ngayo'y mas dumami na. Ito'y higit pang nagpabusog
sa kanilang tunog. At dahil punumpuno ng tao ang Music Museum, wala ngang
pagsidlan ang kanyang kagalakan at manaka-naka pa siyang nagpapatawa tuwing
matatapos ang isang awitin.
Ito ngang Pasasalamat ang
panghuling handog nila. Nagtayuan ang balahibo ko nang tugtugin nila ito na
mayroon pang magkakatugmang himig (vocal harmonies) na sigurado akong matagal
nilang (kasama sina Bayang at Noe) pinagpagurang ensayuhin. Napakaganda kasi ng
naging bunga. Pasok na pasok sa banga. Eksakto. Perpekto. Walang
itulak-kabigin. Panalo sa lahat ng aspeto.
Si Joey sa National Arts and Crafts
Fair
Huli naming nakadaupang-palad si Joey
sa Megatrade Halls, SM Megamall, kung saan ginanap ang SIKAT National Arts and
Crafts Fair noong June 2018. Binigyang-pansin at pagpapahalaga dito ang mga
produkto ng mga katutubong Pilipino mula Batanes hanggang Samal, Jolo. Isa sa
mga nakilahok at nagtanghal dito si Joey bilang pagpupugay na rin sa
pagkamalikhain ng ating mga kapatid na katutubo na isa ring mundong malaya
niyang ginagalawan at ipinagkakapuri. Kiliting-kiliti ang mga manonood nung
inawit niya ang Basta May Saging, Labing! Marami pa sanang gustong
ipaawit ang mga manonood...pati na ako. Ngunit kulang ang panahon. Siguro sa
muli na namang pagtatanghal at pagtatagpo. Aabangan naming lahat nang may
pananabik sa puso.
Salamat sa magagandang alaalang
tumatak sa aming mga puso. Salamat sa pagbahagi mo ng iyong kakaibang talento.
Salamat sa hindi mo pagsuko sa mga ipinaglalabang adhikain. Salamat sa patuloy
mong pagbibigay-kasiyahan sa aming masugid mong tagasuporta. Salamat sa musika.
Salamat sa lahat...PADAYON!